Lumaklak ng silver cleaner, binata dedo
MANILA, Philippines - Tinakasan ng isang binata ang sari-saring problema nito sa pera makaraang uminom ng silver cleaner kamakalawa ng tanghali sa Navotas City.
Bagama’t naisugod pa sa Tondo Medical Center, hindi na rin naisalba pa ang buhay ang 28-anyos na biktimang si Anselmo Nilo, ng Chungkang St., Tanza, ng naturang lungsod.
Nabatid na natagpuan ang biktima ng ina nitong si Alma sa loob ng kanilang bahay na bumubula ang bibig dakong alas-11 ng umaga.
Agad na humingi ng saklolo sa mga kapitbahay si Alma at isinugod sa pagamutan ang anak ngunit nasawi rin dahil sa naapektuhan na ang mga vital organs nito.
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na maraming problemang iniisip umano ang biktima lalo na sa pera kung saan tadtad ito ng utang habang wala namang maipambayad dahil sa wala ring trabaho.
- Latest
- Trending