MANILA, Philippines - Hindi marahil inakala ng isang pintor ng National Museum na ang kanyang pagdo-drawing ng unggoy ang kanyang ikamamatay matapos na pagsasaksakin ng kanyang kapitbahay kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Namatay din habang ginagamot sa Pasay City General Hospital (PCGH) ang biktimang si Jaime Bruma, ng 292 Almazor St., Brgy 185 sa naturang lungsod sanhi ng tinamong ma lalim na mga saksak sa dibdib at tiyan.
Pinaghahanap naman ngayon ang nakatakas na suspect na nakilala lamang sa alyas na “Totoy Unggoy”, naninirahan rin sa naturang barangay.
Sa ulat ng Station Investigation and Detective Management Section ng Pasay police, naganap ang pananaksak dakong ala-1:30 ng madaling-araw sa Almazor St. Mag-isang naglalakad ang biktima nang sugurin at agad na undayan ng saksak ng suspect na mabilis ring tumakas.
Nasaksihan naman ni Brgy Kagawad Roel Ramos at tanod na si Edwin Guillermo ang pangyayari kaya’t sila na ang nagsugod sa biktima sa naturang pagamutan.
Sa imbestigasyon, napag-alaman na bago naganap ang krimen ay gumuhit umano ng isang larawan ng unggoy ang biktima sa isang pader sa naturang lugar habang nakalagay naman sa ilalim ng larawan ang pangalang Totoy na umano’y posibleng naging dahilan upang patayin ng suspect ang biktima.
Posible umanong nainsulto ang suspect sa ginawa ng biktima kung kayat ipinasya na lamang nitong wakasan ang buhay ng huli.