3 Indian timbog ng BI
MANILA, Philippines - Nadakip ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong Indian nationals na kabilang sa 12 iba pa na illegal na nakapasok sa bansa gamit ang southern backdoor sa tulong ng sindikato ng human trafficking. Sinabi ni Immigration officer-in-charge Ronaldo Ledesma ang mga Indian ay naaresto noong nakaraang linggo sa loob ng kanilang safehouse sa Naga City kung saan sila nagtatago matapos na makalaya mula sa Palawan provincial jail.
Sa bisa ng mission order na inisyu ni Ledesma, naaresto ng pinagsanib na operatiba ng BI-Naga field office at local police sina Harbhgvan Singh, 29, Tarsem Singh Brar, 38; at KIanwaljit Singh, 28-anyos. Nilinaw ni Ledesma na ipapatapon kaagad pabalik sa India ang mga naaresto matapos na mag-isyu ang BI board of commissioners ng summary deportation.
Ipinag-utos nito ang pag-aaresto sa mga Indian matapos makatanggap ng tip ang BI mula sa isang impormante na ang tatlong dayuhan ay kabilang sa 15 Indians na pumasok sa Palawan mula sa Sabah, Malaysia tatlong linggo na ang nakakaraan. Gumamit umano ang mga ito ng pekeng entry visas at hindi dumaan sa inspeksyon ng immigration authorities nang pumasok sa bansa.
Sinabi naman ni Atty. Faizal Hussin, BI Intelligence Chief, nauna nang naaresto ang 15 Indians sa kahabaan ng national highway sa Bataraza, Palawan habang sakay sa isang van at kaagad dinala sa police headquarters sa Puerto Princesa City para imbestigahan. Subalit kinalaunan ay napalaya rin umano ang mga Indian mula sa kulungan matapos na makasuhan ng illegal entry na isinampa sa provincial prosecutor’s office dahil dito kaya’t naglunsad ng manhunt ang BI para maaresto ang mga Indian dahil sa paglabag sa immigration law. Patuloy naman ang isinasagawang manhunt operation laban sa 12 pang Indians.
- Latest
- Trending