ASG na 'tulak', arestado sa QC
MANILA, Philippines - Isa umanong miyembro ng bandidong Abu Sayyaf na nag-shift sa pagbebenta ng droga sa Metro Manila ang natimbog ng mga operatiba ng Quezon City Police District Ant-Illegal Drugs Division-Special Operation Task Group (DAID-SOTG) sa isinagawang buy-bust operation sa kanyang lungga sa lungsod, iniulat kahapon.
Sa ulat na ipinadala kay QCPD director Chief Supt. Benjardi Mantele ni Senior Insp. Roberto Razon Jr., hepe ng DAID-SOTG, kinilala ang suspect na si Alton Ladjaalam, alyas Al, 33, may-asawa, tubong-Jolo, Sulu at residente sa Lanao St., Slam Mosque compound, Brgy. Culiat, Tandang Sora sa lungsod.
Sinasabing si Ladjaalam ay positibong kinilala ng isang testigo ng Philippine Air Force na kabilang sa bandidong grupong Abu Sayyaf na nakabase sa Sulu.
Nadakip ang suspect sa isinagawang buy-bust operation ng tropa ng DAID sa mismong lungga nito ganap na alas-5:30 ng umaga.
Bago nito, isang impormante ang umano’y nagpunta sa tanggapan ni Razon at nag bunyag sa iligal na transaksyon ng isang alyas Al na miyembro umano ng Abu Sayyaf at nagtatago sa kanyang katauhan bilang notorious na drug pusher sa lugar. Dito ay nagsagawa ng surveillance ang tropa hanggang sa isagawa na nga ang buy-bust operation.
Ipinagharap na ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 ng dangerous drug law ang suspect.
- Latest
- Trending