Estudyante nagbigti dahil sa sermon
MANILA, Philippines - Patay ang isang 22-anyos na estudyante ng Far Eastern University (FEU) matapos magpatiwakal sa pamamagitan ng pagbibigti sa isang sinturon, kahapon ng umaga sa Sta. Cruz, Maynila.
Natagpuang nakabitin sa loob ng kanilang bahay ang biktimang si Mark Reymil Nakpil, binata, 3rd year sa kursong Computer Science at residente ng Tomas Mapua St., Sta. Cruz.
Sa ulat ni Det. Steve Casimiro ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-10:35 ng umaga nang madiskubre ang nakabiting biktima sa kanilang bahay sa nasabing lugar.
Sa ulat, sinermunan umano ng kanyang ina ang biktima dahil sa pagliban sa klase at mababa nitong marka na ikinasama umano ng loob ng huli. Nang alamin ng ina kung bakit hindi pa lumalabas ng silid ang anak, tumambad sa kanya ang matigas nang katawan ng anak.
Samantala, natagpuan na ang 44-anyos na lalaking tumalon sa Pasig River kamakalawa ng umaga, sa Quezon Bridge na sakop ng Quiapo, Maynila.
Si Ramon Carelo, ng Biak-na-Bato St., Galas, Quezon City ay natagpuang lulutang-lutang sa ilalim ng tulay ng Delpan sakop ng Binondo.
Ani Casimiro, mismong misis ng biktimang si Sylvia Carelo, 42, beautician, ang nakasaksi sa pagtalon ng biktima na tila nagha-hallucinate dahil sa ikinikilos nito.
Ayon sa misis, nagpapahiwatig umano ang biktima na may pupuntahang hindi na babalik at inihabilin ang mga anak nila sa kanya at sinabi pang dadaan muna ng simbahan dahil may humahabol sa kanyang mga kaaway na may kasamang pulis.
- Latest
- Trending