Karahasan sumiklab sa demolition
MANILA, Philippines - Umusbong ang sigalot sa pagitan ng mga demolition team at hanay ng mga nag-aalburutong residente matapos na manlaban ang mga huli sa ginawang paggiba sa kanilang mga tahanan sa Sitio San Roque sa Brgy. Pagasa lungsod Quezon kahapon.
Kaugnay nito, lumikha ng kilo-kilometrong pagbubuhol ng trapiko ang pagsasara ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa EDSA North Avenue makaraang sumiklab ang kaguluhan.
Umulan ng bote, botelyang may lamang tubig, kahoy sa may North Triangle, Brgy. San Roque II matapos ihagis ang mga ito ng mga residente sa tropa ng demolition team.
Dahil dito, limang miyembro ng pulisya ang sugatan matapos na tamaan ng mga batong pinaulan ng mga residente.
Naapektuhan din dahil sa kaguluhan ang mga motorista sa kahabaan ng EDSA mula Cubao hanggang SM North, matapos na magkabuhul-buhol ang trapik dito makaraang sumiklab ang gulo ganap na alas-8:45 ng umaga.
Subalit, matapos ang halos isang oras na panlalaban nagawa ring mapasok ng demolition team ang nasabing lugar saka sinimulan ang paggiba sa mga tahanan dito.
Pasado alas-10 ng umaga ay isinara na ang isang linya ng kalsada sa EDSA malapit sa Trinoma bunga na rin ng kaguluhan kung saan panaka-nakang may lumilipad ng mga bato patungo sa demolition team, mula sa mga residente.
- Latest
- Trending