Madrasta kinasuhan sa panununog sa 2 anak-anakan
MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong arson sa Las Piñas Prosecutor’s Office ang madrasta ng isang 14-anyos na dalagita at kapatid nitong 12-anyos na lalaki na kapwa nasawi makaraang sadyaing sunugin umano ng suspek ang kanilang bahay noong nakaraang Setyembre 14 sa naturang lungsod.
Isinampa ng Bureau of Fire Protection-Las Piñas ang kasong arson sa korte kontra kay Mae Bagcat, dating naninirahan sa nasunog na bahay sa BF Resort Village, Brgy. Talon 2, ng naturang lungsod.
Ayon kay Fire Marshall Chief Insp. Robert Pacis, na may mga ebidensya sila na si Bagcat ang sanhi ng pagkasunog ng bahay na ikinasawi ng magkapatid na Ameerah at Ibrahim Al Saad makaraang ituro ng isang gasoline boy na bumili ito ng isang latang gasolina at sinuportahan naman ng isang tricycle driver na sinakyan ng suspek na may dala-dala itong gasolina.
Kinumpirma naman sa logbook ng naturang village ang pagpasok ng tricycle lulan si Bagcat isang oras bago maganap ang sunog.
Nabatid na ikalawang asawa ni Nabil Al-Saad ang ama ng nasawing magkapatid, si Bagcat ngunit nagseselos umano ito sa magkakapatid dahil sa atensyon na ibinibigay ng asawa sa mga anak.
Hinihinala na nais umanong masolo ni Bagcat ang asawa kaya nagawa ang krimen. Sa kabila ng mga ebidensya laban sa kanya, tahasang itinatanggi pa rin ni Bagcat ang akusasyon laban sa kanya.
- Latest
- Trending