MANILA, Philippines - Patay ang isang guro matapos na ‘ma-sandwich’ ng dalawang sasakyan habang papasakay sa isang jeep sa Caloocan City kamakalawa. Dead-on-arrival sa Manila Central University (MCU) Hospital sanhi ng pinsala sa ulo at katawan si Elenita Denuevo, 47, nakatira sa Santa Elena, Marikina City. Sumuko naman sa mga pulis sina Reynaldo Domingo, ng Package 3, Bagong Silang, Caloocan City at Sanrex Jellos, ng Mc Arthur Highway, Malinta, Valenzuela City. Sa report ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-4:00 ng hapon habang pasakay ang biktima sa jeep na pinapasada ni Domingo nang salpukin ng minamanehong trailer truck ni Jellos. Sa lakas na pagkakabangga ay naipit ang biktima sa mga nasabing sasakyan na naging dahilan upang dalhin ito sa nabanggit na pagamutan, subalit hindi na naisalba pa ang buhay.