LBC branch hinoldap: Kahera minolestiya, pantalon tinangay pa

MANILA, Philippines - Muli na namang nakalusot sa ipinagmamalaking police visibility ang mga kilabot na holdaper na matagumpay na nilimas ang daan libong salapi ng isang LBC outlet at mino­lestiya pa ang magandang kahera nito, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.           

Naaresto naman sa follow-up operation dakong alas-4 ng hapon ang dalawa sa tatlong suspek na nakilalang sina Dan Diaz, 25, at Rober Rey, 32, kapwa naninirahan sa Apelo Cruz, Malibay. 

Narekober sa mga ito ang isang kalibre .38 baril at isang patalim.           

Sa ulat ng Pasay police, umaabot sa P110,794 ang ka­bu­uang halagang natangay ng tatlong salarin bukod pa sa isang laptop computer, tatlong cellular phones at pantalon ng teller na itinago sa pangalang Maria, 24, ng Wagas street, Tondo, Maynila.           

Nabatid na pinasok ng tatlong armadong suspek ang LBC outlet sa may EDSA-Rotonda dakong ala-1:30 ng hapon. Sinabi ni Maria na nag-iisa lamang siya sa outlet dahil sa nagtanghalian ang kasama niya nang dumating ang mga salarin at agad siyang tutukan ng baril ng mga ito.           

Isa sa mga suspek ang kumaladkad sa dalaga sa loob ng palikuran, puwersa­hang pinahubad ang suot na pantalon bago pinaghihipuan sa dibdib at kaselanan nito habang abala naman ang dalawa pa sa paghahalughog sa mga drawer ng naturang tanggapan. 

Tumigil lamang ang man­yakis na holdaper sa gina­gawang pagmomolestiya sa dalaga nang sumigaw na ang dalawa niyang kasama­han bilang hudyat sa kanilang pagtakas. 

Show comments