MANILA, Philippines - Tila hinahamon ng mga operators ng iligal na sugal ang bangis ng pamumuno ni Quezon City Mayor Herbert Bautista at QC Police District director Chief Supt. Benjardi Mantele dahil sa kabila ng banta nitong lansagin ang umiiral na iligal na sugal ay namamayagpag pa rin ito sa kanilang nasasakupan.
Ayon sa source, moro-morong operasyon lang umano ang ipinapatupad ng pulisya sa nasabing pasugalan, dahil sa kabila ng utos ng alkalde ay patuloy ang kanilang iligal na operasyon, partikular ang video karera.
Sa ngayon ay patuloy pa ring nag-ooperate ang video karera sa Bgy. Novaliches, Gulod, Bagbag, Sauyo, at San Bartolome na hawak umano ng isang alyas Lando, alyas Bingi at alyas Boyet B.
Bukod dito ang Bgy. Nova Proper ay hawak umano ng isang alyas Art at may puwesto din sa N-Mart malapit sa istasyon ng Police Station 4, Glori terminal, at Austria St. sa Bgy. Sta. Monica, Bgy. San Agustin at Bgy. Capri na hawak ng isang Alyas Teddy S. Sa Batasan Hills naman ay hawak ng isang Lando habang ang Bgy. Holy Spirit at Bgy. Commonwealth ay hawak ng alyas Undo.
Habang ang color games naman ang namamayapag sa may Cubao, at Batasan.
Pangunahing nagiging parukyano ng nasabing mga pasugalan ang mga estudyante na dapat sana ay nag-aaral, at manggagawa na sa halip na iuwi na lang sa kanilang pamilya ang kanilang pera ay isinusugal pa bunga na rin ng mapanghikayat na operasyon nito.