MANILA, Philippines - Natangay na ang kinita ay pinatay pa ang isang taxi driver ng dalawang holdaper kamakalawa sa Quezon City.
Kinilala ang biktima na si Oliver Hagnaya, 36, ng Alicante St., Cainta Rizal.
Ayon sa report, naganap ang insidente sa may Valencia St., A. Domingo, Brgy. Valencia sa lungsod ganap na alas-10:45 ng gabi.
Sinabi nina Jessie Nuñez, at Sandy Estrada, naglalakad sila sa nasabing lugar nang mapuna nila ang biktima na humahangos na tumatakbo di- kalayuan sa kanila hanggang sa duguang bumulagta sa kalye.
Agad na nilapitan ng dalawa ang biktima na doon nila nabatid na may mga saksak ito sa katawan at sinabing bago tuluyang nawalan ng malay.
Mabilis na humingi ng tulong ang dalawa at isinugod ang biktima sa San Juan Medical Center para malapatan ng lunas, ngunit makalipas ang alas-12:45 ng madaling-araw ay binawian din ito ng buhay.