MANILA, Philippines - Matapos matagpuan ang isang babae at isang lalaking kapwa bagong silang na sanggol na nakasilid sa trash bag, ang isa ay sa CR ng eroplano at ang isa naman ay mismong sa basurahan sa Sta. Cruz, tatlong fetus naman ang natagpuan sa Maynila at sa Malabon kamakalawa.
Sa Maynila, dalawang fetus ang kapwa iniwan sa magkahiwalay na simbahan.
Ayon sa ulat ni PO3 Jay Santos ng MPD, dakong alas-5 ng hapon nang matuklasan ng isang magsisimba ang isang kulay green na plastic bag na naglalaman ng tinatayang 5 hanggang 6 na buwan na lalaking fetus sa loob ng Manila Cathedral church sa Intramuros, Maynila.
Bandang alas-6:45 naman nang madiskubre din sa bungad ng Minor Basilica de Nazareno o Quiapo church, sa Sta. Cruz, Maynila ang tinatayang 5 hanggang 6 na buwan na lalaki ring fetus na nakasilid sa isang itim na trash bag.
Kahapon naman nakuhang nakalutang sa baha ang isang babaeng fetus na nakasilid sa sako sa Malabon City.
Tinatayang nasa anim na buwan ang babaeng fetus na dinala na sa Nate Funeral Homes.
Dakong alas-8:30 ng umaga nang makita ang fetus na nakalutang sa baha sa harap ng Eskro Trucking sa kahabaan Pampano st., Brgy. Longos ng nabanggit na siyudad.
Matatandaang noong Linggo ng hapon nang matagpuan ang isang bagong silang na lalaking sanggol na nakasilid sa trash bag at iniwan sa comfort room ng kalalapag pa lamang na Gulf Airlines sa NAIA.
Kinabukasan, Lunes naman ng tanghali nang madiskubre naman ng isang tricycle driver ang isang babaeng bagong silang din na sanggol. Duguan na nakabalot sa isang kulay pulang plastic bag na itinapon sa basurahan.