Pagrebisa sa kaso ng mga dayuhan, iniutos ng BI
MANILA, Philippines - Ipinag-utos kahapon ng Bureau of Immigration (BI) ang malawakang pagrerebisa sa mga kaso ng dayuhang bilanggo upang mapadali ang pagpapatalsik sa mga ito.
Sa isang memorandum na ipinalabas ni BI officer-in-charge Ronaldo Ledesma ipinag-utos nito ang masusing pag-aaral sa mga nakabinbin na kaso ng mga detenido sa BI detention center sa Bicutan, Taguig City.
Ayon kay Ledesma, layunin ng pagrebisa na mapaliit ang bilang ng dayuhang bilanggo upang makatipid ang pamahalaan sa pangangalaga sa mga ito.
Bukod dito, nais din ni Ledesma na malaman kung anu-ano ang mga dahilan kung bakit tumatagal ang kaso ng isang dayuhan
Paliwanag pa ni Ledesma na maaari lamang tumagal ang pagpapatalsik sa isang dayuhang nagkasala sa batas kung may nakabinbin itong kasong kriminal, sibil o administratibo.
Sa kasalukuyan, umaabot sa 64 ang bilang ng dayuhang nakakulong sa BI detention center.
- Latest
- Trending