MANILA, Philippines - Isang bangkay ng lalaki na hinihinalang biktima ng summary execution ang natagpuang tadtad ng saksak sa dibdib, nakabalot ng packaging tape ang mukha at nakagapos ang mga kamay sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Isinalarawan ang biktima na nasa edad na 40-45, may taas na 5’6’’, payat, nakasuot ng itim na polo shirts, at beige cargo shorts.
Ayon kay PO3 Modestino Juanson ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police, posibleng itinali muna ang biktima saka pinahirapan bago tuluyang pinatay sa saksak.
Natagpuan ang bangkay ng biktima ng isang Mario Legaspi, habang tinatahak ang Maximo Viola St., corner Sto. Domingo, Brgy. Balingasa sa lungsod ganap na alas-5:20 ng umaga.
Ayon kay Legaspi, nagulat siya nang mapuna ang isang duguang tao na nakadapa sa naturang kalsada kung kaya’t agad niya itong ipinagbigay-alam sa barangay na siya namang tumawag ng pulis.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) nakita ang apat na tama ng saksak sa kaliwang dibdib ng biktima, gayundin ang marka o galos sa magkabilang pulso nito.
Sinabi ni Juanson, may ilang ulit na binalutan ng packaging tape ang mukha ng biktima na indikasyon ng pagpapahirap ng mga suspect dito.