MANILA, Philippines - Kinumpirma ng Sandiganbayan Second Division na may sapat na ebidensiya ang prosekusyon upang maisailalim sa guilty verdict ang 10 dating police officers na inakusahan sa pagkotong ng HK$300,000 at 10 kilo ng shabu (meth) mula sa pinaghihinalaang mga Chinese drug traders noong 1998.
Sa siyam pahinang resolusyon, ibinasura din ng graft court ang mosyon nina dating Police Director Reynaldo Acop, Supt. Francisco Villaroman, Chief Inspectors Julius Caesar Mana at Denn Reed Tuvera, Insp. Cesar A. Aquino, SPO2 Antonio C. Ventura, SPO2 Mabini Rosale, SPO1 Danilo Castro, PO3 Ferdinand Apuli at PO1 Anthony C. Ong na idismis ang kanilang kasong direct bribery case dahilan sa sinasabing kulang sa ebidensiya.
Gayunman, napatunayan ng Sandiganbayan na ang prosekusyon ay nakapagprisinta ng sapat na ebedensiya para maging liable ang mga akusado sa naturang krimen.
Ang bagay na ito ay sinang-ayunan ni Associate Justice Teresita V. Diaz-Baldos gayundin nina Associate Justices Samuel R. Martires at Edilberto G. Sandoval, division chairman.
Kinilala ng korte ang testimonya ng prosecution witnesses na sina Mary Ong alias ‘Rosebud’, kapatid nitong si Peter Ong at Remus Garganera na nagdidiin sa mga akusado sa krimen.
Sa record , sinasabing si Chief Insp. Mana ay nakakuha ng search warrant na inindorso nina Villaroman at Acop mula sa Pasay RTC na ginamit ng mga ito para makapagsagawa ng raid sa #62 Maria Clara St., Quezon City noong Disyembre 6, 1998.
Arestado dito na sina Lu Shao Min, Wang Jin Luan, Jin Piao Wang Chua at Li Jiazhu.
Sinabi ni Mary Ong na ang apat ay napalaya at ang kaso sa mga ito ay nadismis sa city prosecutors office noong Pebrero 24, 1999 dahil daw sa kawalan ng interes ng mga witness na maipagpatuloy ang kaso.
Ani Rosebud, isang Chong Hiu Ming ang nagbayad ng HK$300,000 at nagbigay ng 10 kilo ng shabu sa raiding team upang mapalaya ang apat na Chinese nationals.
Sinabi ni Ong na personal siyang nakipagkita kay Hiu Ming sa Hong Kong upang makipag negosasyon tungkol sa payoff at ipresenta ang records ng kanyang mga telephone calls kay Campos , Villaroman at Major Avelino Abogado bilang ebedensiya.
Anang korte, ang testimonya ni Garganera ay nagpapatunay din sa sinasabi ni Ong dahil ito ay nakapagbigay ng detalyadong impormasyon kung paano naisagawa ang surveillance at raid at kung paano naipadala ang bribe money at shabu sa mga akusado.
Si Peter Ong na umaktong driver at interpreter para sa kanyang kapatid na si Mary Ong ay nag testify din at nagsabi hinggil sa surveillance activities sa pinaghihinalaang drug traders at ang ginawang raid na mismong nakita nito.
Binigyang-diin ng Sandiganbayan na ang defendants’ claim na si Ong ay bahagi ng krimen na naisagawa nina dating Supt. Campos ay hindi naman nagpatibay o hindi nakapagbigay ng balidong ground para balewalain ang mga pahayag ng mga ebidensiya ng prosekusyon.