MANILA, Philippines - Arestado ang apat na kalalakihan sa magkakahiwalay na operasyon ng mga elemento ng Quezon City Police District (QCPD) matapos ang panghoholdap sa mga umuuwi ng dis-oras ng gabi sa lungsod.
Nakilala ang mga suspek na sina Hermohenes Fabe, 26; Jerdi Alejo, 22; Exequil Cernechez, 18; at Efren Lacerna, 24; pawang nakatira sa Barangay Kamias, Quezon City.
Sina Fabe at Alejo ay inaresto ng mga operatiba ng Novaliches Police Station (PS-4) matapos humingi ng police assistance ang kani lang biktima na nakilalang si Jessnar Macasaet, 21 anyos ng Novaliches, Quezon City.
Ayon kay Macasaet, naglalakad siya pauwi sa kahabaan ng Quirino Highway, bandang alas-8:45 ng gabi nang bigla siyang tutukan ng baril at sapilitang kunin ang kanyang cellphone, pera, necklace at adidas bag na naglalaman ng ibang mahalagang gamit saka mabilis na naglakad patakas.
Agad nagsumbong ang biktima sa himpilan ng pulisya at nagsagawa ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakadakip ng dalawang suspek.
Sa kulungan din ang bagsak ng mga hold-up suspek na sina Cernechez at Lacerna matapos humingi ng tulong sa pulis ang biktimang si Reden Zaragosa, 34.