You Tube video giit ni Andal Jr. na iprisinta sa Quezon City court
MANILA, Philippines - Iginiit ni Maguindanao masaker suspek Andal Ampatuan, Jr. sa Quezon City court na payagan siyang makapagprisinta ng news reports hinggil sa video na nasa You Tube bilang ebidensiya na balikan ang kanyang argumento na inosente siya sa kasong ito.
Sa kanyang komento na isinumite sa QC Regional Trial Court Branch 221 sa pama magitan ng abogado nitong si Atty. Sigfrid Fortun, hiniling ni Andal Jr. sa korte na isama sa mga ebidensiya para sa kanyang depensa ang mga news reports sa mga pahayagan noong Agosto 12, 18, 19, 20, 24 at Setyembre 1, 2010.
Ang news reports at kolum anya ay tungkol sa isang video na naka-posted sa “You Tube” kung saan ang isang “Kumander Dalawie” ng Moro Islamic Liberation Front ang nagsasabing ang kanyang grupo ang pumatay sa 57 biktima ng masaker.
Sinabi ni Fortun na ang ebidensiyang ito ay ilan lamang sa mga listahan sa pre-trial conference sa kaso.
Gayunman, dapat anyang payagan ng korte na maiprisinta ang news articles na ito upang sumuporta sa pahayag ng depensa na wala silang kinalaman sa krimen.
Pero sa ngayon sinasabing ang naturang You tube news article ay wala na at burado na. Si Andal, Jr. at iba pang miyembro ng pamilyang Ampatuan ay ilan lamang sa 196 katao na sangkot sa umanoy pamamaslang sa 57 katao sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009.
- Latest
- Trending