Barker tinodas, gunman nagbaril

MANILA, Philippines - Inasinta sa ulo ang isang barker ng pampasaherong dyip na ikinasawi nito ha­bang pinaghahanap naman ang sinasabing bangkay ng gunman na umano’y nag­baril sa sarili bago tumalon sa Infanta bridge, sa Tondo, Maynila, iniulat kahapon.

Dead-on-arrival sa Tondo Medical Center ang bikti­mang si Dante Geronimo, ng Ro­mana St., Tondo, Maynila sanhi ng tama ng bala sa ulo.

Iniimbestigahan din ng Manila Police District-Homicide Section kung totoo na nagbaril sa sarili at tumalon sa ilog ang gunman na ini­larawan  sa edad sa pagitan ng 23-26 at payat ang pa­ngangatawan.  

Sa ulat ni SPO3 Danilo Vidad, dakong alas-12:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa harapan ng bahay ng biktima.

Nabatid na natutulog sa isang bangko ang biktima sa labas ng kaniyang bahay nang lapitan umano ng suspect at walang sabi-sabing binaril nang malapitan ang una. Mabilis namang tuma­kas ang suspect pero nakita ito ng mga residente kaya hinabol. Nang makorner ito sa tulay ng Infanta ay doon ito nagbaril sa sarili at tulu­yang nahulog sa ilog.

Nabatid na bago ang isinagawang krimen ay nakita ang suspect na pa­ikot-ikot sa bahay ng biktima.

Hindi pa malinaw sa pu­lisya kung ano ang motibo sa isina­gawang pagpaslang sa bikti­mang barker, habang patuloy pa rin ang isina­sagawang imbestigasyon sa kaso.

Show comments