Obrero dedo sa resbak
MANILA, Philippines - Hindi akalain ng isang obrero na ang pagsagot niya ng “wala” ang magdudulot sa kanya ng kapahamakan makaraang pagbalingang barilin at mapatay ng isa sa dalawang suspect na nagalit makaraang hindi makita ang kanilang hinahanap na kaaway na reresbakan sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Si Domingo Rabina Jr., 40, ng G. Araneta Avenue, Brgy. Tatalon ay binawian ng buhay sanhi ng dalawang tama ng bala sa kaliwang tagiliran.
Samantala, isa naman sa mga suspect na nakilalang si Edgar Castillo, 18, binata ng nasabi ring lugar ay agad na naaresto ng mga barangay tanod sa isinagawang follow-up operation habang ang bumaril na kasamahan nito na si Glen Solares, 25, ay mabilis namang nakatakas.
Nangyari ang insidente sa may bahay ng biktima ganap na alas-10:30 ng gabi. Bago nito, ang suspect na si Solares at bayaw ng biktima na si Aristeo Balana ay nagkaroon ng pagtatalo sa isang tindahan na nauwi sa suntukan kung saan natalo ng huli ang una. Dahil hindi matanggap ni Solares ang pagkatalo ay bumuwelta ito kasama si Castillo, na may bitbit ng baril kung saan naabutan nito ang biktima sa harap ng kanyang bahay.
Mula rito ay galit na tinanong ni Solares ang biktima kung nasaan ang tumalo sa kanya ng suntukan na si Balana at nang sagutin ng huli ang una ng “wala” ay agad siyang pinaputukan nito saka nagsipag-alisan sa lugar.
- Latest
- Trending