MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa publiko na tanggalin na ang mga gulong na ginagamit na pampabigat ng bubungan na siyang pinangingitlugan ng mga lamok na nagdudulot ng “dengue” sa naiipon na tubig sa loob nito.
Ang panawagan ay bahagi ng kampanya ng MMDA na malinis ang mga barangay sa Metro Manila at maiwasan ang pagkalat pa ng nakamamatay na sakit na dengue. Iniulat din kahapon ng MMDA ang matagumpay na “clean-up operations” sa Tatalon, Quezon City at Tondo, Maynila sa ilalim ng programang “Lingap Barangay” kung saan isusunod naman ang paglilinis sa ilang barangay sa Pasay City ngayong linggo at isusunod ang Valenzuela City.
Target ng MMDA na malinis sa basura ang mga kalsada, ang mga baradong kanal at esteo at matanggal ang mga pinamumugaran ng mga lamok. Pinuri ng MMDA ang kooperasyon ng mga residente ng Maynila at Quezon City sa pagtatanggal ng mga gulong sa kanilang bubungan.