Tinedyer lunod sa ilog

MANILA, Philippines - Lumutang na kahapon ang bangkay ng 2nd year hayskul student na nalunod sa mababaw na ilog sa kasagsagan ng malakas na ulan noong Biyernes sa hangganan ng Parañaque at Pasay City.

Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Jerry Gu­tierrez, 15, ng Block 8, Lot 15, Barrio Filipino, Don Carlos Village, Pasay City, estudyante ng Don Carlos High School.

Sa ulat na natanggap ni P/Chief Insp. Joey Goforth, hepe ng Station Investigation and Detective Ma­nagement Section ng Pasay City PNP, suma­mang ma­ligo ang biktima sa kan­yang mga kaibigan sa Redemptorist Channel matapos ang kanilang klase.

Ayon kay Ulysis Lindo, 13, nagkatuwaan silang maligo sa ilog matapos mabasa ng ulan kung saan hindi naman nila namala­yan na lumalim na ang dating mababaw na ilog.

Dito na hindi lumutang si Gutierrez kaya kaagad na ipinagbigay-alam sa kinauukulan ang pagka­wala nito.

Show comments