Negosyante niratrat, patay
MANILA, Philippines - Patay-ang isang negosyante matapos pagbabarilin ng limang hindi pa nakikilalang mga suspek habang sugatan ang isang mister na tinamaan ng ligaw na bala sa Malabon City kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa Pagamutan lungsod ng Malabon sanhi ng mga tama ng bala sa katawan si Reynaldo Ayop, 45, ng Judge Oreta St., Brgy. Tonsuya ng lungsod na ito.
Ginagamot naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng tama ng bala sa kanan braso si Lolito Derder, 44, ng nabanggit na barangay.
Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga pulis laban sa limang hindi pa nakikilalang mga suspek na mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Naganap ang insidente dakong alas-8 ng gabi, habang nagliligpit ang biktima sa tindahan nito ng bigas nang sumulpot ang mga suspek at agad itong pagbabarilin.
Nahagip naman ng bala si Derder na naging dahilan upang dalhin ang mga biktima sa mga nasabing ospital.
Inaalam na ng mga pulis ang motibo ng nasabing insidente.
- Latest
- Trending