MANILA, Philippines - Kalaboso ang isang 29-anyos na Pinay nang bitbitin ng kanyang nobyong turista sa Manila Police District-General Assignment Section (MPD-GAS) matapos tangayan umano ng laptop at cash na umabot sa P300,000 ang halaga sa kanyang inuupahang bahay, sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sa reklamo ni Paul Fitzgerald, English national, pansamantalang nanunuluyan sa Mabini st., Ermita, Maynila ang nobya niyang si Maricel Fuentes, ang naiwan sa kaniyang bahay nang mawala ang kaniyang pera at kagamitan.
Sinabi ni Fitzgerald na matapos niyang piyansahan ang nobya mula sa pagkakapiit sa MPD-Station 5 dahil sa pambabato ng salamin sa isang establisyemento, umuwi siya kasama ang nobya.
Nang lumabas siya ng bahay ay naiwan ang nobya sa kanyang tinutuluyan at sa pagbalik niya dakong alas-11:00 ng gabi kamakalawa ay wala na ito at wala na rin ang kaniyang bag na naglalaman ng pera at laptop na umaabot sa halagang P300,000 at pati passport niya ay natangay. Hinanap niya ang nobya at nakita niya itong lasing na lasing sa Palanca St., sa Quiapo, Maynila at ipinakulong.
Aniya, may diprensiya na sa utak ang kaniyang nobya dahil sa pagiging adik sa iligal na droga at alak. May tatlong taon na umano silang nagsasama ng nobya at suportado niya ito ng P40-libo kada buwan kaya hindi inakalang pagnanakawan pa siya.