Pinatay o nagpakamatay?
MANILA, Philippines - Malaking palaisipan sa Quezon City Police kung nagpakamatay ba o sadyang pinatay ang isang preso sa city jail na natagpuang may tali sa leeg sa loob mismo ng kinapipiitan nito kahapon ng umaga. Nakilala ang nasawing bilanggo na si Samuel Silverio, 47, ng Brgy. Kaligayahan, Novaliches sa lungsod.
Si Silverio, na may kasong acts of lasciviousness ay natagpuan ng jail guard na si JO1 Arnel Densing sa loob ng kanyang maliit na kubol sa Dorm 8 na matatagpuan sa QC jail sa EDSA corner Kamuning habang naka-upo umano at nakabitin gamit ang sintas ng sapatos ganap na alas-5:55 ng umaga. Nagawa pang isugod ng mga jail officer ang biktima sa East Avenue Medical Center ngunit idineklara din itong patay.
Sa pagsisiyasat ng pulisya may nakuhang liham sa tabi ng biktima na naka-address sa kanyang kinakasamang tinawag na “Apol” na nagsasaad ng kanyang hinanakit dito dahil sa hindi na siya dinadalaw.
“Its been 1 month and 18 days na ng huling nagkita tayo.Pina-asa mo ako sa mga pangako mo na hindi mo ako pababayaan dito. Pero kahit isa sa pangako mo ay hindi mo tinupad, hindi ko alam kung bakit. Hindi ko ginusto mga nangyari sa akin. Kapatid mo ang gumawa nito hindi ako, pero ako ang naghihirap,” sabi sa sulat.
Tinukoy din sa liham na humihingi siya ng tulong sa kinakasama dahil marami siyang utang at sinisingil na siya ng treasurer nila na alyas Jamil na nakatalaga sa nasabing piitan. Dahil walang pera pinagbabantaan umano siya ni Jamil na papatayin kung hindi makakabayad kung kaya ganon na lang ang kanyang kagustuhang dalawin siya ng asawa para matulungan.
“Sana matulungan mo ako. Sana hindi pa huli ang lahat. Bukas may hearing ako, sana pakawalan na nila ako para maayos ko na ang buhay natin. Anyway kung sakaling mapatay ako ni Jamil sinisumpa ko na katawan ko lang ang mawawala, pero ang kaluluwa ko ay mananatili dito sa mundo,” saad pa sa sulat.
Natagpuan ang bangkay ng biktima nang simulan ang head counts ng mga preso kung saan kulang ng isa ang mga ito.
- Latest
- Trending