General Verzosa magreretiro sa Sept. 15
MANILA, Philippines - Magreretiro na ng maaga ngayong buwan si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Jesus Verzosa.
Ito’y ilang buwan bago sumapit ang ika-56 kaarawan ni Verzosa sa Disyembre 25 na siyang dapat sanang pagreretiro nito kung hindi nagdesisyong umalis sa serbisyo ng maaga.
Una rito, lumutang sa mga senior officers sa Camp Crame na nais ni Verzosa na umalis na sa serbisyo ng maaga hanggang Setyembre 15 ng taong ito.
Ayon kay PNP Spokesman, Sr. Supt. Agrimero Cruz Jr. naisumite na ni Verzosa ang kanyang liham na nagsasaad na ng maagang pagbaba sa puwesto subalit wala pa rin tugon dito si Pangulong Aquino.
Pinawi naman ni Cruz ang agam-agam na sanhi ng maagang retirement ni Verzosa ang umano’y matinding pressure bunsod ng malagim na 11 oras na hostage drama sa Quirino grandstand na ikinasawi ng walong turista na kinabibilangan ng 5 Hong Kong nationals at tatlong Chinese-Canadian nationals gayundin ng hostage taker na si dating Sr. Inspector Rolando Mendoza.
Samantalang kabilang naman sa pinagpipiliang humalili kay Verzosa ay sina Deputy Director Gen. Perfecto Palad; Deputy Chief for Administra tion; Deputy Director General Raul Bacalzo, Deputy Chief for Operations at Chief Directorial Staff P/Deputy Director General Benjamin Belarmino.
- Latest
- Trending