24 lider ng transport group, nagpa drug test
MANILA, Philippines - May 24 na lider ng transport group ang kusang loob na sumailalim sa drug test sa loob mismo ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) headquarters sa lungsod Quezon kahapon.
Ang naturang aksyon ay ginawa ng mga lider ng sektor ng transportasyon bunga ng paulit-ulit na trahedyang kinasasangkutan ng mga bus driver sa lansangan na nagreresulta sa pagkasawi ng maraming pasahero.
Tinukoy ang paggamit ng droga ng mga driver ang pangunahing dahilan ng naturang mga aksidente sanhi upang isagawa ang nasabing pagsusuri ng PDEA .
Ayon kay PDEA director Senior Undersecretary Dionisio R. Santiago, kasabay ng drug testing ang pagpupulong na gagawin nila ng nasabing mga sektor upang pag-usapan kung ano ang kahinaan ng gobyerno sa nasabing problema nang sa gayon ay makagawa ng lehistratura para dito.
Gayunman, ayon kay Arleene Camelio, vice-president ng Metro Manila Bus Operators Association (MMBOA), huwag umanong ituon ang sisi sa mga driver dahil maging ang pamahalaan anya ay may malaking pagkukulang din.
Giit ni Camelio, kailangan din anyang bigyang pansin ng pamahalaan ang ugat ng nasabing problema, hindi lamang anya ito tungkol sa droga kundi sa imprastraktura ng mga ginagawa nilang kalsada.
Kaugnay naman sa tanong na kung pabor ang lahat na ipa-drug test ang kanilang mga driver, ayon sa mga lider ng transportasyon, sang-ayon sila sa ganitong proposal, subalit kailangang hindi manggaling sa kanilang sariling bulsa ang perang ipambabayad kung hindi sa pamahalaan o ahensyang mangangalaga dito.
- Latest
- Trending