MANILA, Philippines - Pormal nang iniakyat sa Makati Regional Trial Court ang kasong paglabag sa Anti-Hazing Law sa 15 miyembro ng Alpha Phi Omega fraternity makaraang desisyunan ng Makati City Prosecutor’s Office na may probable cause o direktang kaugnayan ang mga ito sa pagkasawi ng isang estudyante sa isinagawang hazing rites.
Sa resolusyon na pinirmahan at inaprubahan ni City Prosecutor Feliciano Aspi, sapat na ang mga ebidensyang isinumite ng Makati police para makita ang probable cause sa kaso laban kina John Reynald Marin, Roesel Wenceslao, Michael Pagulayan at Rico Mansalapus.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang apat na akusado habang pinaghahanap pa ang 11 pa na nakilalang sina Haren Ray Tigno, Jorie Ann Acob, Sheldon Derrick Soriano, Raycon Vargas, Ronnel Galas, Mar Anthony Laroza, John Paul Buban, Jeven Soquita, Kim de Roxas, Niko Moreto at Noel Mallari.
Ang mga akusado ang itinuturong may mga direktang kaugnayan sa pagkasawi ng 19-anyos na si EJ Carl Intia sa hazing ng naturang fraternity noong Agosto 14. Itinakda naman ang preliminary investigation sa Setyembre 7 at 14 bago ipa-raffle ang kaso kung sinong hukom ang maglilitis nito. Wala namang itinakdang piyansa para sa mga akusado.
Nasa kustodiya naman ng Makati Social Welfare De partment ang ikalimang suspek na sumuko sa pulisya, hindi ito pinangalanan dahil sa pagiging menor-de-edad nito.
Ayon kay Prosecutor Lody Tancioco, positibo na sumailalim sa inisasyon ng APO fraternity si Intia base sa personal na notebook at mga leaflets na pag-aari nito at isinumite ng ama nitong si Oscar sa pulisya.
Matatandaan na natagpuan ang bangkay ni Intia noong Agosto 15 sa isang bangin sa Sta. Maria, Laguna isang araw matapos ang initiation rites. Sa awtopsiya, nagtamo ng matitinding bugbog sa hita ang biktima bunga ng palo ng paddle ngunit nasawi ito dahil sa mga palo sa ulo at sa kanyang kaselanan.