MANILA, Philippines - Masusing inaalam ngayon ng Pasay City Police ang katotohanan sa ulat ng isang taxi driver na pagdukot ng mga armadong lalaki sa mga dayuhang Singaporean at Malaysian na pasahero niya, kahapon ng madaling-araw sa naturang lungsod.
Dumulog kahapon sa Station Investigation and Detective Management Section ng Pasay police ang taxi driver na si Edgardo Alonzo, 56, ng Harvard St. , Cubao, Quezon City.
Iniulat nito na isinakay niya ang dalawang hindi pa nakikilalang dayuhan dakong alas-10 kamakalawa ng gabi sa tapat ng New World Hotel sa Makati City.
Nagpahanap umano ang mga ito ng maayos na “health spa” kaya dinala niya ang mga ito sa isang health spa sa Coastal Mall sa Parañaque City.
Hinintay niya ang mga ito hanggang matapos dakong alas-12 ng hatinggabi at pabalik na sila sa hotel nang harangin ng mga armadong suspek lulan ng gray silver na Toyota Revo sa may Macapagal Boulevard.
Dalawang lalaki umano na naka-unipormeng pampulis ang bumaba at hiningi ang kanyang lisensya na isinampal sa kanya at inutusan siyang sumunod sa Revo hanggang sa Airport Road na sinunod naman nito.
Pagsapit sa Quirino Avenue sa Tambo, Parañaque ay pinababa ng mga suspek ang dalawang dayuhan, isinakay sa Revo at saka tumalilis habang iniwan si Alonzo na nag-iisa. Bineberepika ngayon ng pulisya ang naturang sumbong ni Alonzo habang inalerto na ang mga units ng PNP sa naturang ulat.