Mga balang tumama sa hostage victims posibleng mula kay Mendoza - PNP
MANILA, Philippines - Ipinahayag kahapon ng Philippine National Police (PNP) na posibleng ang tumamang bala na nakapatay sa mga turistang Hong Kong nationals ay mula sa hostage-taker na si ex-P/Senior Insp. Rolando Mendoza.
Ayon kay P/Senior Supt. Agrimero Cruz, spokesman ng PNP, base sa ballistics test, karamihan sa mga balang nakuha sa crime scene ay mula sa high-powered firearms.
Sa kabuuang 59-piraso ng basyo ng balang nakuha sa loob ng bus, 58 piraso nito ay mula sa M16 Armalite rifle na siyento por siyento na gamit ni Mendoza base na rin sa ballistics examination ng crime laboratory.
Base na rin sa resulta ng awtopsiya, lumilitaw na lahat ng balang tumama sa mga biktima ay nagmula sa high-powered firearms.
Subalit iginiit nito na hindi pa rin nila matiyak ang kalibre kung kaya kailangang makakuha pa ng sample sa ilang bahagi ng biktima at maikumpara ito para masabi na 100 percent sure na ang bala nga ay galing kay Mendoza.
Samantala, inamin ni Cruz na pinayagan nang makapag-conduct ng examination ang mga Hong Kong Police sa tourist bus matapos na pigilan ang mga ito kamakailan.
Ayon kay Cruz, kinakailangan kasing hindi magkaroon ng kaguluhan sa ginagawang examination ng National Bureau of Investigation (NBI) kaya hindi sila agad pinahintulutan, subalit ngayon ay maaari na nilang simulan ang pagsisiyasat.
- Latest
- Trending