2 bahay sa Quezon City gumuho sa tubig-ulan
MANILA, Philippines - Dalawang tahanan ang gumuho matapos na unti-unting lamunin ang mga ito ng malakas na agos ng tubig mula sa creek bunga ng walang humpay na pagbuhos ng ulan kamakalawa ng gabi sa lungsod Quezon.
Ayon kay Buboy Ecamen, ng Brgy. Police and Security Officer (BPSO) ng Roxas District, ang gumuhong mga tahanan ay sakop ng compound na pag-ari ng isang Delton Bumabat na matatagpuan sa Waling-Waling St., dito.
Sinasabing ang mga tahanan na gumuho ay pag-aari ng isang Alejandro Esportuno at isang Bernard Majanon na nakatayo malapit sa tabi ng creek sa nasabing lugar.
Ganap na alas-11 ng gabi nang mangyari ang pagguho matapos ang biglaang bumuhos ng malakas na ulan sa nasabing lungsod. Dahil sa pagtaas ng tubig-baha at paghampas nito sa gilid ng pader ay unti-unting nabakbak ang reprop sa ilalim ng kinatitirikang mga bahay ng mga biktima, hanggang sa unti-unting bumuwal ang mga ito sa tubig.
Masuwerte namang agad na nakalikas ang mga pamilyang tumutuloy dito kung kaya wala namang iniulat na nasaktan.
- Latest
- Trending