MANILA, Philippines - Kumpirmado nang maibabalik ng Land Transportation Office (LTO) ang RFID fee na nasingil ng ahensiya sa pamamagitan ng IT provider nitong Stradcom Corporation simula Setyembre ng taong ito sa pamamagitan ng koreo.
Ayon kay LTO Chief Virginia Torres, hindi muna sila nagbalik ng Radio Frequency Identification Device (RFID) fee nitong nakalipas na mga araw dahilan sa kumuha muna sila ng komento mula sa Solicitor General’s Office hinggil dito.
Ang RFID fee ay proyekto ng Stradcom para raw maresolba ang problema sa kolorum at out of line vehicles sa bansa.
“Sumagot na ang Solgen na magsoli na kami kaya sa September, start na ng pagbabalik ng RFID fee thru mail,” pahayag ni Torres. Sinabi ni Torres na through regions ang pagsosoli ng RFID fee. Mula sa Central Office ay dadalhin sa mga regions ang pera na kailangang isoli sa mga motorista na nakakuha noon ng RFID.
Ayon kay Torres, mas minabuti ng kanyang tanggapan na maisoli na ang naturang bayarin dahil dagdag gastos lamang ito ng taumbayan.