Pulis na nag-posing sa hinostage na bus, iimbestigahan
MANILA, Philippines - Hindi rin lusot ang mga pulis-Maynila, kabilang ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) team na nagpakuha umano ng larawan sa pinangyarihan mismo ng hostage-drama sa Quirino grandstand sa lungsod ng Maynila na ikinasawi ng 8 turista noong Agosto 23.
Ayon kay PNP-Spokesman Sr. Supt. Agrimero Cruz Jr., hindi naibigan ni PNP chief Director General Jesus Verzosa ang pagpo-posing pa ng mga pulis na nag-uunahan sa pagpapakuha ng larawan sa Hong Thai Tourist Travel bus na hinostage ni dating Sr. Inspector Rolando Mendoza.
“It’s an act of unbecoming to think na mga pulis sila at dun pa sa site ng hostage- drama,” ani Cruz na sinabi pang hindi maganda ito para sa imahe ng PNP na inulan ng kaliwa’t kanang pagbatikos mula sa gobyerno ng Hong Kong kaugnay ng pagkamatay ng mamamayan nito sa trahedya.
Nabatid na kabilang sa mga pulis na nagpakuha ng larawan sa site ng hostage-drama ay ipinoste pa ang kanilang mga larawan sa Facebook kung saan ilan sa mga ito ay mga SOCO team habang ang iba naman ay naka-uniporme pa mismo ng pulis-Maynila.
- Latest
- Trending