NBI agent sugatan sa sariling baril
MANILA, Philippines - Isang ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang sugatan nang aksidenteng pumutok ang dala nitong baril habang papasok ng sinehan sa isang mall sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ang biktima na nagtamo ng sugat sa kaliwang pigi at tuhod ay kinilalang si Edwin Justo, 33, at residente ng Sta. Cruz, Manila.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa isang mall sa Sta. Mesa sa R. Magsaysay Blvd., cor. Araneta Ave., Brgy. Doña Imelda ganap na alas 8:35 ng gabi.
Ayon kay Domingo Barrameda, security guard ng mall, pumasok ang biktima sa nasabing sinehan para manood, kung saan habang papasok ito sa main entrance ay aksidenteng pumutok ang nakasukbit niyang baril sa tagiliran dahilan upang tamaan siya sa pigi at tuhod.
Dahil dito, agad na tinulungan ni Barrameda ang biktima at isinugod ito sa UERM hospital kung saan ito nilapatan ng lunas at ngayon ay kasalukuyang naka-confine.
Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.
- Latest
- Trending