MANILA, Philippines - Ihahatid na sa kanyang huling hantungan ang 19-anyos na estudyante ng University of Makati (UMAK) na nasawi dahil sa matinding pahirap na dinanas sa “hazing rites” ng Alpha Phi Omega fraternity. Sinabi ni Margarita Intia, 46, ina ng biktimang si EJ Carl Intia, kumukuha ng kursong Building and Wiring Management sa UMAK, dakong alas-12 ng tanghali magkakaroon ng isang misa sa Guadalupe Church, muling idadaan ang labi sa kanilang bahay sa Luzon St. Brgy. Pitugo, Makati at saka dadalhin sa huling hantungan nito sa Garden of Memories Park sa Pateros. Sa kabila naman ng pagkakasampa ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Law sa anim na suspek sa hazing, hindi pa kunteno si Aling Margarita dahil sa nakakalaya pa ang 11 sa mga suspek.
Kabilang sa mga sinampahan ng kaso kamakailan ng Makati police sina John Reynald Marin, 19; Michael Pagulayan, 19; Roesel Wenceslao, 18; Rico Mansalapus, 31, alumni ng UMAK; at isa pang 17-anyos.
Sa kanilang sinumpaang-salaysay, inamin ng anim na naroon sila nang isagawa ang hazing mula alas-2 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi noong Agosto 14.
Inamin ni Pagulayan na siya ang master initiator ng APO nang isagawa ng initiation rites sa bahay ng kapwa nila fraternity na si Mansalapus sa Mayapis St., kanto ng Catmon St., sa Brgy. San Antonio sa naturang lungsod.
Nadiskubre naman ang bangkay ni Intia sa ilalim ng 30-talampakang bangin sa Km. 99 sa Marcos Highway, Brgy. San Laurel, Sta. Maria, Laguna noong Agosto 15.
Sinabi ni Aling Margarita na sobrang sakit sa kanya ang pangyayari dahil sa halos apat na taon silang hindi nagkikita ng anak na si EJ Carl dahil sa nagtatrabaho siya sa Iloilo at minsanan rin lang naman magkausap sa telepono. Nakiusap ito sa ibang mga nakalalayang suspek na makonsensya sa kanilang ginawa at kusang isuko na ang sarili.