Pala at sagwan sa paglilinis ng Laguna lake
MANILA, Philippines - Pala at sagwan ang magiging armas ng PAMANA LAWA, isang koalisyon ng ‘people’s organization’ na nakapaligid sa Laguna Lake Region, para tuluyang linisin ang nakabinbin pa ring Laguna Lake Rehabilitation project. Kaugnay nito, nanawagan ang PAMANA LAWA na itigil na ang pamumulitika at itigil na ang walang saysay na protesta na dahilan upang patuloy na mabalam ang magandang proyekto para sa buong Laguna Lake.
Sinabi ni Ka Domeng Gonzaga, tagapagsalita ng koalisyon, sila na ang magsisimula sa di masimulang proyekto na dapat sana’y nagsimula na sa unang araw nitong Agosto. Subali’t dahil sa mga tinatawag na ‘protesta’ ay nabitin ang maraming buhay ng mga mamamayan sa paligid ng Lawa.
“Ang patuloy na bangayan ng dalawang Belgian companies ay walang kinalaman sa delay ng proyekto at hindi namin hahayaan na mga banyaga ang siyang magdikta dito sa Pilipinas. Kami ay patuloy na magbabantay sa lahat ng pulitiko, ahensya at kompanya na patuloy na bumabatikos sa magandang hangarin ng proyektong ito.”
Pangungunahan ng iba’t ibang samahan mula sa CALABARZON area ang malawakang paglilinis sa palibot ng lawa.
- Latest
- Trending