MANILA, Philippines - Dahil sa sunud-sunod na karumal-dumal na krimen na nagaganap sa bansa kung saan ang pinakahuli ay ang madugong hostage crisis ng bus na dito walong Hong Kong nationals ang nasawi, binuhay kahapon sa Senado ang usapin ng pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa.
Sa privilege speech ni Senator Juan Miguel Zubiri, sinabi nito na nakakabahala na ang pagtaas ng mga heinous crimes at panahon na upang muling pag-usapan ang pagbabalik ng death penalty.
Bukod aniya sa nangyaring madugong hostage crisis, isang Korean national na kararating lang sa bansa ang pinatay sa boundary ng Pasig City at Cainta, Rizal.
Ang biktima na kinilalang si Cho Tae Hwan ay isang pastor at ang kanyang mga kasamahan ay kinidnap ng mga suspek pagkatapos ay pinakawalan rin matapos magbayad ng hindi pa tinukoy na halaga.
Ayon kay Zubiri, nagiging bagsakan na rin ng cocaine ang bansa at mistula umanong wala ng kinakatakutan ang gumagawa ng krimen. Sinabi ni Zubiri na naniniwala siya na kung ibabalik ang death penalty para sa mga heinous crimes malaki ang posibilidad na mabawasan ang bilang ng mga karumal-dumal na krimen.
Sinabi ni Zubiri na tanging ang pagbabalik lamang ng parusang kamatayan ang solusyon upang matakot ang mga gumagawa ng karumal-dumal na krimen.