4 na Chinese timbog sa droga
MANILA, Philippines - Apat na Chinese national ang dinakip ng magkasanib na puwersa ng Southern Police District (SPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa dalawang magkahiwalay na anti-drug operation, kahapon sa Pasay at Las Piñas City.
Inisyal na nakilala ang mga nadakip na sina Jason Li, alyas “Bao Ta Li”; Alex Sy Li, alyas “Wah Ya”; Xi Xuan Ang, alyas “Ang Ha” at Li Yu Xiang.
Sa ulat ng pulisya, nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang PDEA buhat sa mga asset ukol sa operasyon sa iligal na shabu kung saan ibinibenta ito sa Lancaster Condominium, F.B. Harrison, Pasay City at may nilulutong shabu naman sa “medium scale shabu laboratory” sa may #1B Clarinda Raymond street, BF Resort Village, Brgy. Talon Dos, Las Piñas City.
Nabatid na Lunes pa lamang ng gabi ay isinailalim na sa pagmamanman ng mga otoridad ang dalawang lugar. Isinagawa ang sabay na pagsalakay dakong alas-12 kahapon ng tanghali sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Amor A. Reyes, ng Manila Regional Trial Court Branch 21.
Nadakip sa Pasay City si Li Yu Xiang. Nakumpiska dito ang may 561 gramo ng hinihinalang shabu na pro dukto ng shabu lab sa Las Piñas.
Nabatid na sa naturang bahay dinadala ang mga “finished products” na shabu at saka ipinapakalat sa Metro Manila.
Naaresto naman ang tatlo pang Chinese national kabilang na si Alex Sy Li na mister ni Li Yu Xiang sa Las Piñas City kung saan ginawang laboratoryo ng shabu ang isang inupahang bahay.
Nakumpiska rito ng mga awtoridad ang hindi pa nabatid na dami ng iba’t ibang kemikal na sangkap sa paglikha ng shabu at mga equipments na panluto ng iligal na droga.
- Latest
- Trending