MANILA, Philippines - Hindi umano sapat na sibakin sa puwesto ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na sangkot sa torture video kundi dapat ding sampahan ng kasong administratibo at kriminal.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, malinaw umano na paglabag sa karapatang pantao ang ginawa ng mga pulis na sangkot sa lumabas na video kung saan hubo’t hubad ang isang lalaking sinasabing snatcher habang nakatali ang ari nito habang binubugbog ng isang opisyal na pulis-Maynila.
Giit ni de Lima dapat na magsagawa ng malalim at tapat na imbestigasyon ang pulisya dahil sa biglaang pagkamatay ng biktima kahit na kailangan pang ikumpirma ito, ang pinakamataas umanong parusa sa nasabing krimen ay reclusion perpetua o 40 taong pagkakabilanggo.
Bukod dito,dapat ding ikonsidera ang command responsibility sa nasabing kaso kahit na wala umano ang pinuno ng police station dapat na gumawa ito ng paraan upang hindi ito nangyari o kung nadiskubre naman umano ito ay dapat na may ginawa itong hakbang.
Nauna nang sinibak sa puwesto si Senior Inspector Joselito Binayug at 20 iba pa dahil sa pagkakasangkot sa pag torture sa isang robbery suspect na nakapiit sa precinct station sa Asuncion St. sa Tondo, Maynila.
Samantala, sisimulan na rin ng Commission on Human Rights ang pag-iimbestiga sa naturang insidente ng torture.
Sinabi ni CHR Commissioner Cecilia R.V. Quisumbing na hihingin din nila ang kooperasyon ng pulisya at iba pang ahensiya ng gobyerno kaugnay ng gagawing pagbusisi sa insidente. (Gemma Amargo-Garcia at Angie dela Cruz)