MANILA, Philippines - Bantay sarado na ngayon si Senior Inspector Joselito Binayug, ang sinibak na commander ng Asuncion, Tondo Police Community Precinct sa Maynila na sinasabing nag-torture sa hubo’t-hubad na naarestong holdaper sa kanyang hurisdiksyon.
Ayon kay PNP Chief, Director General Jesus Verzosa, 24 oras na nakabantay ang kanilang mga tauhan sa galaw ni Binayug upang matiyak na hindi ito makatatakas. Una rito, inulan ng kaliwa’t kanang batikos ang nasabing Police Community Precinct partikular na mula sa human rights groups matapos na mapanood sa isang television footage ang nasabing torture scandal. Sinabi ni Verzosa na kasabay ng pagmo-monitor sa galaw ni Binayug, inaalam na rin ng binuong Task Group ang rekord nito sa gitna ng ulat na patung-patong ang kinakaharap nitong mga asunto.
Si Binayug kasama ang kanyang mga tauhan ay sinibak sa kanilang puwesto matapos lumabas ang video footage sa pangto-torture sa isang hubo’t hubad na lalaki na hinihila pa ang ari sa loob ng istasyon.
Samantala, inihahanda na ng NCRPO ang kasong administratibo at criminal laban sa mga sangkot.
Nilinaw din ni NCRPO Chief, Director Leocadio Santiago na hindi na nila kailangan pa ng complainant bago makasuhan ang mga pulis. (May dagdag ulat ni Danilo Garcia)