14 kilo ng shabu kuha sa Malaysian national
MANILA, Philippines - Labing-apat na kilo ng shabu na nagkakahalaga ng may P140 milyon ang natuklasan ng isang customs examiner sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 na dala ng dalawang Malaysian nationals matapos itong dumating sa paliparan galing Bangkok, Thailand, kahapon ng umaga.
Kinilala ni Customs Commissioner Angelito A. Alvarez ang sinasabing international drug couriers na sina Teo Cheek Keong 43, at Richard Oh. Ang mga suspek ay sakay ng Philippine Airlines flight PR 733 na dumating sa NAIA ng dakong alas-3:45 ng madaling-araw.
Sinabi ni Alvarez, na tinagubilinan nito ang mga Customs officials sa NAIA na tiktikan ang mga risk flights tulad ng bansang Bangkok, Taiwan, China at Hongkong dahil may nakuha siyang impormasyon na dito manggagaling umano ang mga droga na ipapasok sa bansa.
Sinabi ni Alvarez, ginagawang jump-off point ang Pilipinas ng mga international drug syndicate bago dalhin sa ibang bansa.
“Pangalawang balik ni Keong sa bansa dahil noon July 27 ay dumating na ito dito,” sabi ni Alvarez.
Nabatid na na-profile ni Customs examiner Beth Pableo si Keong dahil pinagpapawisan ito at hindi mapakale habang nasa customs counter ang suspek kaya kinalkal nito ang dalang bagahe ng huli.
Nakatago sa false bottom ng kulay brown na bagahe ni Keong ang may pitong kilo ng shabu, samantalang ang 7 kilo pa ay iniwan ni Oh sa PAL luggage claim counter at saka tumakas palabas ng paliparan.
Napag-alaman kay Alvarez, na ang dalawang suspek ay positibong magkasama sa flight dahil nakuha nila ang PAL passengers manifest at nakita dito na isang silya lamang ang pagitan nila sa upuan.
Samantala, pinabulaanan ni Keong na may dala siyang shabu pero kanya ang bagahe.
- Latest
- Trending