MANILA, Philippines - Ipinatigil ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang radio at television station nito na MMDA RTV bilang isang paraan ng pagtitipid sa gastusin ng ahensiya.
Nabatid mula kay Tolentino na umaabot ng halos P1 milyon kada buwan ang nagagastos ng ahensya para sa operasyon ng MMDA RTV na hindi naman nagiging epektibo sa pagpaparating sa publiko sa sitwasyon sa trapiko at kanilang mga proyekto.
Ang MMDA RTV ay mapapakinggan sa 1206 kilohertz sa AM band sa radyo at mapapanood naman sa Channel 4 ng Destiny Cable para sa isang buong araw ng impormasyon sa daloy ng trapiko at mahahalagang anunsyo ng ahensya at ng 17 lokal na pamahalaan sa Metro Manila na bumubuo sa Metro Manila Council.
Nalikha ang MMDA RTV noong panahon ni dating Chairman Bayani Fernando na kilala sa pagpapatupad ng mga kakaibang programa at proyekto.
Sinabi ni Tolentino, bagama’t maganda ang layunin ay hindi naman sapat ang dami ng tao na nakakapanood sa cable TV at nakikinig sa radyo para maging sulit ang ginagastos sa operasyon ng mga ito.