MANILA, Philippines - Lasog ang katawan ng isang 81- anyos na lola makaraang mabundol at masagasaan ng isang pampasaherong bus sa kahabaan ng EDSA, Quezon City kahapon ng umaga. Sa ilalim na ng bus natagpuan ang walang buhay na katawan ng biktimang si Conchita Luma, residente sa Phase 4, Block 88, Lot 2, Mabuhay City, Dasmariñas, Cavite. Hawak naman ng traffic Sector 4 ng Quezon City Police, ang driver ng bus na si Crisanto Cipres, 30, ng Pamplona Compound, Batasan Hills sa lungsod.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, nangyari ang insidente sa may Edsa, Santolan partikular sa harap ng Camp Crame ganap na alas-11:30 ng umaga. Diumano binabagtas ng Express bus (TWZ-433) ang nasabing lugar nang biglang mabundol nito ang biktima.
Ayon kay Cipres, nagulat na lang umano siya nang sabihin sa kanya ng kasamahang konduktor na may nabangga siya dahil hindi naman umano niya ito naramdaman. Matapos mabangga ay nasagasaan pa ng bus ang biktima sanhi upang tuluyang malagutan ito ng hininga. Inihahanda na ang kasong reckless impru dence resulting in homicide laban sa driver ng bus.