Pasahe sa AUV's, ire-regulate na ng LTFRB
MANILA, Philippines - Takda nang iregulate ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang pasahe sa mga Asian Utility Vehicles (AUVs) na naniningil ng P10 hanggang P15 kada pasahero sa mga ruta nito sa Metro Manila at karatig lalawigan.
Sa panayam kay LTFRB Chairman Dante Lantin, irerekomenda rin niya sa Department of Transportation and Communication (DOTC) na busisiin din ang usaping ito dahil libu-libong mamamayan ang nagrereklamo hingil sa walang habas na pagsingil ng mga FX taxi at iba pang AUVs ng ulo ulo na pasahe sa kabila na wala namang naregulate ang ahensiya na pasahe para dito.
Nakarating ang reklamo kay Lantin na bagamat noon panahon ni dating LTFRB Chairman Thompson Lantion na nagpalabas ng mga prangkisa ng AUVs ay nag regulate ng P2.00 kada unang 5 kilometro singil sa pasahe sa mga AUV express na sasakyan, wala namang nasunod dito hanggang sa kasalukuyan.
Maging ang mga FX taxi , shuttle Service, garage service na AUVs ay patuloy pa rin ang pagsingil ng P10 hanggang P15 kada ulo o pasahero depende sa layo ng pasahero dahil wala naman silang nasusunod na taripa para dito.
Binigyang diin ni Lantin na dahil walang uniform fare na nare-regulate ang LTFRB para sa mga AUVs , gagawan nila ng paraan na maayos ang usaping ito sa pamamagitan ng pagpapalabas ng tamang pasahe na akma sa kasalukuyang kondisyon ng buhay ng taumbayan.
May mahigit 5,000 units ng AUVs sa buong bansa.
- Latest
- Trending