Holdaper na sekyu, patay sa shootout
MANILA, Philippines - Patay ang isang security guard na suma-sideline na holdaper, habang arestado naman ang kanyang kasamahan makaraang makipagbarilan sa mga tauhan ng Las Piñas Police matapos nilang looban ang isang coffee shop, kahapon ng umaga sa naturang lungsod.
Hindi na umabot pang buhay sa Perpetual Help Hospital si Dennis Siguia makaraang matadtad ng bala, habang nakilala ang nadakip niyang kasamahan na si Raymart Daguman, 25, ng Basa Compound, Zapote, ng naturang lungsod. Natuklasan na nahaharap si Daguman sa dalawang kaso ng pagnanakaw sa Las Piñas Regional Trial Court.
Sa ulat ng Las Piñas police, unang pinasok ng mga suspek ang Starbucks Coffee sa Alabang-Zapote Road, Pamplona 3 dakong alas-7:50 ng umaga. Agad na dinisarmahan ng mga suspek ang security guard na si Gharry Oquindo at iginapos kasama ang assistant store manager na si Alexander Angeles II gamit ang packaging tape.
Nilimas ng dalawang suspek ang laman ng kaha ng coffee shop na nagkakahalaga ng P50,000 bago nagtangkang tumakas. Minalas naman ang mga salarin nang matiyempuhan sila ng nagpapatrulyang tauhan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group-NCR sa pamumuno ni Insp. Rommel Macatlang. Sa halip na sumuko, ipinasya ni Siguia na manlaban nang paputukan nito ang mga pulis na agad na gumanti sanhi upang masawi ang suspek. Nakaligtas naman si Daguman nang magpasya itong sumuko.
- Latest
- Trending