Insidente ng sunog tataas
MANILA, Philippines - Malaki ang posibilidad na tumaas umano ngayon ang bilang ng mga trahedya sa sunog sa mga malalaking gusali makaraang ipatupad ng Bureau of Fire Protection at ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang isang memorandum na nagkakansela sa pag-inspeksyon sa mga itinatayong gusali sa bansa.
Ayon sa Safety Organization of the Philippines, nag palabas umano ang DILG ng memorandum na sinasabing hindi na kailangan ang tatlong beses na inspeksyon sa mga gusali at binigyan ng kapangyarihan ang Fire Marshall ng isang lungsod na siya na lamang mag-iisyu ng sertipikasyon sa pagiging “fire safety” ng isang gusali.
Base umano sa Republic Act 9514 o Fire Code of the Philippines, kinakailangan na isailalim sa tatlong beses na “fire and life assessment inspection” ang mga gusali upang matiyak na ligtas ito sa sunog bago isyuhan ng “occupancy at building permit”.
Sa inilabas umanong memorandum, malinaw na walang “transparency” ang pagbabayad ng mga nagtatayo ng gusali at magiging ugat ng katiwalian. Ngunit ang mas nakakatakot ay ang posibleng pagdami ng mga gusali na hindi ligtas sa sunog.
Naniniwala naman ang grupo na hindi initiatibo ni Secretary Jesus Robredo ang memorandum at maaaring ipinalusot lamang sa kanya ng ilang opisyales ng BFP at DILG na may personal na interes at mabibiyayaan sa bagong sistema.
Duda ang grupo sa ipinalabas na kautusan kamakailan ni BFP NCR Director Sr. Supt. Pablito Cordeta na umano’y pinagbawalan ang kanilang mga inhinyero at arkitekto na magsagawa ng inspeksyon sa mga gusali sa Metro Manila na labag umano sa fire code.
Dahil dito, nanawagan ang SOP kay Robredo na suriin muli ang inilabas na memorandum upang matiyak na walang opisyal na nagsulsol at nagtulak na mailabas ito para sa kanilang sariling kapakinabangan.
- Latest
- Trending