Gasolinahan hinoldap ng 4 na armado
MANILA, Philippines - Sinalakay ng apat na armadong kalalakihan, na pinaniniwalaang miyembro ng isang robbery-hold-up syndicate ang isang gasolinahan ng Shell kahapon ng umaga sa Muntinlupa City.
Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga kagawad ng Muntinlupa City Police laban sa hindi pa nakikilalang mga suspek
Kinilala ang mga biktimang sina Loiue Bingco, 31, cashier at ang crew na si Ricky Rabago, 28, ng nabanggit na siyudad.
Sa inisyal na report ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-3:30 ng umaga sa isang sangay ng Shell na matatagpuan sa kahabaan ng National Road, Brgy. Alabang.
Nabatid na isang puting Toyota Fortuner (ZAR-368) lulan ang apat na armadong suspect ang biglang sumulpot sa nabanggit na gasolinahan at agad na tinutukan ng baril ang mga biktima saka nagdeklara ng holdap.
Nabatid na P6,000 lamang ang nadala ng mga suspect.
Napag-alaman pa na bago naganap ang panghohodap sa naturang gasolinahan, unang hinoldap ng mga suspek ang dalawang tricycle driver sa nabanggit pa ring lugar.
Matapos ang insidente ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek at nalaman pa rin ng pulisya, base sa kanilang pag-berepika, ang plate number na sasakyang ginamit ng mga suspek ay nagmula sa isang Toyota Hi-Lux, na pag-aari ng isang Peter Cua.
Sa ngayon ay patuloy pang iniimbestigahan ang nasabing insidente.
- Latest
- Trending