Nandorobo kay Senator Sotto arestado
MANILA, Philippines - Nadakip ng mga ahente ng NBI ang isang umano’y swindler, na nanloko kay Senador Vicente Sotto III ng P2.5 milyon matapos na tumalbog ang mga tseke na ibinayad nito para sa ibinibentang luxury car ng senador, sa isang follow-up operation sa Pasig City.
Kinilala ang naaresto na si Rico Alpapara, 58, residente ng Valle Verde, Pasig City, at sinasabing maraming nakabinbing warrant of arrest na karamihan ay bunsod ng kinakaharap na kasong estafa.
Batay sa report ng NBI, lumilitaw na nag-ugat ang pag-aresto sa suspek sa reklamong estafa na inihain ni Sotto.
Nabatid na chairman pa lamang si Sotto ng Dangerous Drugs Board (DDB) nang pumayag itong ibenta sa suspek ang kaniyang 2004 silver BMW X5, sedan (XRE-792) sa halagang P2.5 milyon noong 2007.
Nag-isyu umano ng postdated checks ang suspek para pambayad sa senador ngunit tumalbog ang mga ito dahil sa kakulangan ng pondo.
Nang beripikahin, natuklasan ni Sotto sa pulisya na hindi lamang siya ang nabiktima ni Alpapara, na nagpapanggap pa umanong abogado, ngunit pinabulaanan naman ito ng Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Nagsimula na umanong magtago si Alpapara hanggang sa maaresto ito noong Miyerkules ng hapon.
- Latest
- Trending