Tensyon sumiklab sa demolisyon
MANILA, Philippines - Nauwi sa karahasan ang isinagawang demolisyon sa ilang tahanan sa isang barangay sa lungsod Quezon matapos na pumalag ang may 50 apektadong residente at naghagis ng pillbox at bato sa demolition team at Quezon City Police kahapon ng umaga.
Dahil dito, ilang mga mamamahayag na kumokober sa pangyayari gayundin ang ilang residente ang sugatan matapos na magtamo ng mga galos at sugat sa kani-kanilang katawan.
Naganap ang insidente pasado alas-10 ng umaga nang simulan ng hanay ng demolisyon team ang paggiba sa mga kabahayang umano’y iligal na nakatayo sa isang lote sa Broadway Avenue corner 7th St. Brgy. Mariana sa lungsod.
Ang demolisyon ay base sa court order ng Regional Trial Court branch 97 na pinapa-alis ang mga tahanang iligal na nakatirik sa nasabing lugar na pag-aari umano ng isang negosyante.
Ang kautusan ay tinutulan ng mga apektadong residente partikular dito ang ipinalabas na court order kung saan ang nakalagay lang umanong bahay na dapat idemolis ay anim na kabahayan.
Pero dahil, lahat ay balak na gibain ng awtoridad ay nagpasyang harangin ng mga residente ang demolisyon team hanggang sa magkagirian ang mga ito na humantong sa paghahagis ng pillbox at bato sa mga awtoridad.
Gayunman, hindi tumigil ang mga demolisyon team sa paghabol sa mga nag-aalburotong mga residente hanggang sa mauwi rin ito sa pagggiba sa kanilang mga tahanan.
- Latest
- Trending