P4-milyong nakaw na kable ng kuryente, nasamsam
MANILA, Philippines - Umaabot sa P4 milyong halaga ng mga nakaw na kable ng kuryente na pag-aari ng Manila Electric Company (MERALCO) ang narekober ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nagresulta rin sa pagkakaaresto sa dalawang suspect ng maharang ang isang truck sa Malabon City, ayon sa opisyal kahapon.
Kinilala ni Director Nilo de la Cruz, Chief ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang mga nasakote na sina Rolando Flores, 46, truck driver at ang kasamahan nitong si Jhannery Hupa, 29.
Ang mga ito ay dinakip pasado alas-12 ng tanghali kamakalawa matapos maharang ng mga operatiba ang truck na may kargang mga kable ng Meralco sa kahabaan ng panulukan ng Letre at C4 Roads sa Malabon City.
Nang madakip, ikinanta naman ng dalawa ang isang Benzon Bangayan at David Bangayan na siyang may-ari ng bodega sa Malabon City na siyang pinanggalingan umano ng kanilang ibibiyaheng mga kable ng kuryente.
- Latest
- Trending