MANILA, Philippines - Ipinag-utos na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsisimula ng manu-manong bilangan o recount para sa resulta ng botohan sa mayoralty position sa lungsod ng Maynila sa ginanap na May 10 automated election.
Sa 13 pahinang resolution ng Comelec 1st division, nagbuo na ang poll body ng 10 revision committee na magsasagawa ng recount kung saan bawat isang committee ay binubuo ng chairman, recorder, clerk-typist at ballot box custodian.
Ang kautusan ng Comelec ay kaugnay ng inihaing election protest ni dating Environment Secretary Lito Atienza na nagsasabing nagkaroon ng malawakang dayaan sa ginanap na halalan sa Maynila base na rin sa pahayag ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na sa kanilang ginawang Random Manual Audit ay nagkaroon ng variance o kuwestiyunableng resulta ng election sa ilang presinto sa Maynila at maging sa isinagawang Congressional Inquiry.
Umabot naman sa P9,979,500 ang hinihinging bond ng Comelec kay Atienza bago simulan ang recount at hindi na rin aabot sa 30-araw ay malalaman na ang resulta ng manu-manong bilangan at ang nasabing halaga umano ay ibabayad sa mga magtatrabaho sa recount tulad ng Chairman, Recorder, clerk typist at ballot box custodian.
Kaugnay nito ay sinabi ni Atienza na nakahanda silang magbayad ng hinihinging bond ng Comelec subalit kukuwestyunin nila sa en banc ang komputasyon na ginawa ng Comelec 1st division na ginamit na batayan sa siningil na bond sa kanila.
Ipinaliwanag ni Atienza na ang komputasyon ng Comelec ay nakabatay sa 6,653 established precincts gayong sa kabuuan ay nasa 1,441 clustered precinct lamang ang Maynila.
Idinagdag din ni Atty. Romulo Macalintal na base sa Comelec rule na ang halaga ng recount ay nakabase sa number clustered precincts counts at hindi sa number of established precincts kayat kung susumahin ay aaabot lamang sa P3 milyon at hindi sa halos P10 milyon tulad ng kinalabasan ng computation ng poll body.
Binigyang diin pa ni Atienza na kung hindi mababago ang ganitong sistema ng Comelec ay maaaring maging hadlang ito para makapaghain ng election protest ang mga mahihirap na kandidato na nadaya sa halalan dahil mistulang isang discouragement ang ginagawa ng mga Commissioners.